Friday, May 3, 2019

LGBT – Nasaan na nga ba ang Lipunan sa usaping ito?


LGBT – Nasaan na nga ba ang Lipunan sa usaping ito?
Aldrian C. Valles



Bilang isang Lesbian, Gay, Bisexual, o Transgender dito sa Pilipinas, tingin sa kanila ay hindi “normal”. Marami ang nagsasabi na “Ang lahat ng tao ay pantay-pantay lalo na sa mata ng Diyos” pero bakit marami pa rin sa kanila ang parang hindi tanggap ng lipunan?

Pagkakapantay-pantay, pagmamahal, at pagtanggap – ito lamang ang kanilang higit na kailangan at kanilang ipinaglalaban pero marami pa rin sa kanila ay nakakatanggap ng mga pangungutya mula sa ibang tao. Kung minsan, nakakatanggap rin sila ng pangungutya mula sa kanilang pamilya at mga kaibigan. Sa halip na pagtanggap at pagmamahal, ang kanilang natatanggap ay walang tigil na pang-aabusong emosyonal. May mga pagkakataon na nakararamdam rin sila ng hindi pagtanggap mula sa simbahan ng iba’t-ibang relihiyon. Madalas, sila ay pinagtatawanan habang dumadaan. Tinitignan sila mula ulo hanggang talampakan. Marami sa kanila’y hindi tanggap ng kanilang mga pamilya lalo na ng kanilang ama.



Para sa akin, hindi kailanman dapat maging hadlang ang kasarian sa pagkakaroon ng maligayang buhay at Tagumpay sa mga adhikain. Ang mahalaga ay wala tayong ibang taong tinatapakan. Huwag mong ikahiya kung ikaw ay isa sa kanila. Sila din minsan ay mas maraming alam at mas mahusay sa paghahanap-buhay at iba pang mga kapaki-pakinabang na gawain.

Isang magandang Halimbawa ay so Aiza Seguerra na isang proud lesbian. Siya ngayon ay isang sikat na singer, isang mahusay na kompositor, at mainpluwensiyang youth advocate. Si Vice Ganda naman ay isang proud gay/transgender. Isa rin siyang sikat na komedyante, nakabenta ng libo-libong album bilang isang mang-aawit, at isa na rin ngayong matagumpay na negosyante. Siya ay sikat na sikat hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Si Rustom Padilla na ngayon ay kilala na bilang Binibining Gandang Hari o Bb Gandang Hari ay isa namang proud na transgender. Noon, siya ay isang magaling na actor ngunit ngayon ay isa na siyang sikat na modelo sa ibang bansa.

Isa lamang ang aking nais iparating sa lahat. Dapat nang itigil natin ang panghuhusga sa ating mga kapwa lalo na sa mga miyembro ng LGBTQ. Dapat nating irespeto ang kanilang pagkatao at mga desisyon. Dapat natin silang tanggapin dahil tulad din natin sila na taong mayroong mga pangarap na gustong makamit, may karapatang mabuhay nang may pantay na karapatang tinatamasa, at marunong magmahal at nangangailangan din ng pagmamahal.

No comments: